'Nanlaban'? Kapitan patay matapos saksakin ng Bantay Dagat sa N. Occidental

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2018 08:19 AM

Patay ang isang kapitan ng bangka habang sugatan naman ang kapatid nito matapos umanong saksakin ng Iloilo Provincial Bantay Dagat Task Force sa baybayin ng Sagay City sa Negros Occidental, Martes ng gabi.

Kinilala ang namatay na si Vivencio Espinosa. Patuloy namang ginagamot ang kapatid nitong si Joenel Espinosa.

Kuwento ni Angelito Abrasaldo, isa sa mga mangingisda na sakay ng bangka, nasa boundary sila ng municipal waters ng Sagay City at Concepcion, Iloilo para mangisda.

Bigla umano silang sinita at hinabol ng Bantay Dagat na nagsasagawa ng seaborne patrol.

Nang maabutan ng Bantay Dagat ang kanilang bangka, nagkaroon umano ng kaguluhan na nagresulta sa pananaksak sa magkapatid na Espinosa.

Ayon naman kay PO3 Philip Cañoso, team leader ng Bantay Dagat, nanlaban umano ang mga sakay ng bangka kaya dumepensa lamang sila.

Nasaktan din umano ang 2 sa kanilang kasama na sina Jerry Espolong at Rian Celis.

Dagdag ni Cañoso, lehitimo ang kanilang operasyon dahil may total ban sa pangingisda ayon sa Republic 10654 o The Philippine Fisheries Code of 1998.

Tinitiyak naman ng Sagay City Police Station ang patas na imbestigasyon sa insidente.

Patuloy pang tinutukoy ng pulisya kung sino sa mga rumespondeng Bantay Dagat ang nakasaksak sa kapitan.

Desididong magsampa ng kaso ang pamilya Espinosa laban sa Bantay Dagat.

Maghahain naman ng kasong kriminal at administratibo ang Bantay Dagat laban sa pamunuan ng bumiyaheng bangka.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.