Lalaki natagpuan patay sa tabi ng sapa sa Baguio

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2018 04:59 PM

BAGUIO CITY- Natagpuan sa tabi ng isang sapa sa Barangay Hillside, Baguio City ang bangkay ng isang lalaki Miyerkoles ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Ruben Ofo-ob, 37 taong gulang. May sugat sa ulo at saksak sa bahagi ng dibdib ang kaniyang katawan, na nakita mismo sa tapat ng kaniyang bahay.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na huling nakasama ni Ofo-ob ang kapitbahay at kaibigan na si "Lina."

Ayon kay Lina, pasado ala-una ng madaling araw nang huli niyang nakasama si Ofo-ob.

Nagkaroon umano sila ng hindi pagkakaintindihan ng biktima sa loob ng sasakyan.

Nasagasaan pa umano ni Ofo-ob ang paa ni Lina nang bumaba ito sa sasakyan.

Matapos ito ay hindi na umano alam ni Lina ang nangyari kay Ofo-ob. 

Ayon naman sa kapitbahay na si Neljohn Masadao, nakita niya pa si Ofo-ob na duguan at tumatakbo pauwi sa kanilang bahay.

Matapos ito ay wala na umanong nakakita kay Ofo-ob.

Labis naman ang paghihinagpis ng kaanak ng biktima, lalo na't kamamatay lang din ng ina nito 2 linggo lang ang nakakalipas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.