Daan-daang 'flying voters,' istasyon ng LRT ang inirehistrong address

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2018 10:24 PM | Updated as of Dec 19 2019 02:06 PM

Watch more in iWantTFC

Nadiskubreng halos 300 sa sinasabing mahigit 1,000 "flying voters" sa Pasay City ang nagbigay ng registered address sa isang istasyon ng LRT.

Inireklamo kasi ng isang nagngangalang Yok Tin So ang nasa 1,458 na registered voters sa tinitirhang Barangay 97 sa Pasay City.

Natuklasan daw ni So na daan-daan sa mga rehistradong botante sa kanilang barangay ay ibinigay ang iisang address na 2802 Taft Avenue, Pasay. 

Nang puntahan ng News team ang address, natuklasang isa pala itong istasyon ng LRT malapit sa EDSA.

Pinatunayan din ng dokumento mula sa Pasay City Assessor's Office na pag-aari nga ng Light Rail Transit Authority ang nasabing address.

Sa Barangay 97 pa rin, bukod sa mga nakarehistro sa address ng LRT, may 330 na nakarehistro sa iisang address na 2675 Zamora Street.
 
Pero ayon sa mga nakatira roon, wala pang 20 ang botante sa bahay.

Mahigit 200 din ang nasa 2741 Zamora pero ang address ay isang opisina at itinanggi ng pamunuan nito na may mga botante sila.

Mayroon ding 11 na nagparehistro sa isang bahay na wala namang nakatira, habang mahigit 200 din sa isa palang boarding house.

Ayon kay Ana Velasco, caretaker ng boarding house, nasa 30 lang ang nakarehistro sa kanila pero nakalipat na ng bahay ang ilan.

Ipinagtataka ng complainant na pati sa bahay ng kapitan ay nasa 260 ding botante ang nakarehistro.

Habang sinusubukan naman ng News team na kuhanin ang panig ng kapitan na si Jose Serafico Ang, nagalit ang isa sa mga staff niya.

Tinanong pa ng staff kung paanong nakuha ang mga ganoong dokumento ukol sa mga botante.

Nagsampa na ng kaso ang complainant na si So sa Pasay Regional Trial Court laban sa mga flying voter o mga botanteng malamang ay hindi talaga taga-Pasay.

Aminado ang Comelec ng Pasay na hirap silang beripikahin ang impormasyon ng mga nagparehistro. 

Paliwanag ni Atty. Ramon Rosello, election officer ng Pasay City, kulang sila sa tao at oras para ma-monitor ang bawat impormasyong inilalagay ng mga aplikante.

Lumabas ang tungkol sa flying voters sa Pasay halos tatlong buwan bago ang barangay elections.

-- Ulat nina Ron Gagalac at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.