'Baka hindi namin kayanin': Batanes, di pa umano handa sa dagsa ng turista

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2018 01:15 PM

Karaniwang tampok ang Batanes sa mga tinaguriang #TravelGoals ng Pinoy dahil sa tanyag nitong rolling hills, bahay na bato, at sa nakamamanghang tanawin ng dagat.

Matatagpuan ito sa lambak ng Cagayan o sa pinakahilagang bahagi ng bansa kaya't hindi biro ang pamasahe papunta sa probinsya na karaniwang pumapalo mula P10,000 pataas. 

Pero simula ngayong Marso, ang isa sa pinakamalaking airline sa Pilipinas ay magkakaroon ng biyahe patungong Batanes sa murang halaga dahil na rin sa "request" ng mga netizen.

Pero kung si Batanes Governor Marilou Cayco ang tatanungin, hindi pa handa ang Batanes para ma-commercialize o dagsain ng mga turista.

"Pagdating sa tourist, medyo conservative ako diyan dahil baka 'yung carrying capacity namin baka hindi namin kayanin," ani Cayco.

Batid ng gobernador na malaki itong tulong para sa mga Ivatan dahil mapapadali na ang paglabas ng kanilang mga produkto sa mainland kung mura lamang ang pamasahe. Makapagbibigay din ito ng kabuhayan para sa mga Ivatan. 

Pero ayon sa gobernador, marami pang kailangang plantsahin ang probinsya upang maging ganap na handa sa dagsa ng tao. 

"Hangga't kaya namin kasi marami ang nagkakaroon ng hanapbuhay doon...Gusto po namin ma-sustain kasi ang problema ko po kung mas tourism tapos hindi namin sila mapakain, kasiraan namin 'yun," aniya.

Inamin din ni Cayco na may problema pa sila sa suplay ng iinuming tubig at maging sa waste management.

"Hindi pa naman ganun karami ang hotels. Kailangan naming ibalanse 'yung water plus yung solid waste management. 'Yun po ang kinatatakutan ko po doon," pag-aalala ni Cayco.

Noong 2017, umabot umano sa 30,000 turista ang bumisita sa probinsiya.

Ang pinakakinatatakot pa ng lokal na pamahalaan ay baka masira ang mga likas na yaman ng Batanes.

"Hindi pa prepared tsaka gusto ko po ma-preserve 'yung aming culture dahil 'yan 'yung isa sa mga pinupuntahan ng mga turista," giit ni Cayco.

Sa ngayon, hindi pa umano nakakausap ng gobernador ang airline company sa hakbang na ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.