2 sugatan sa pagbangga ng sasakyan sa pader sa Davao City

Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2018 08:37 PM

Sumalpok sa pader ng isang bahay ang pick-up truck na minamaneho ni Edgar Corpuz matapos na aksidente niyang matapakan ang silinyador imbes na preno nang magloko umano ang sasakyan, Miyerkoles ng umaga, Pebrero 28, 2018, sa Maa, Davao City. Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

DAVAO CITY – Dalawa ang sugatan matapos sumalpok sa pader ang isang pickup, Miyerkoles ng umaga, sa Diversion Road sa Maa dito sa siyudad.

Minamaneho ni Edgar Corpuz ang sasakyan at pasahero naman nito ang mga katrabaho na sina Lolita Bacus at Frederick Baguio.

Ayon kay Corpuz, mabagal lang ang pagmamaneho niya nang biglang nagloko ang makina ng sasakyan. Sa pagkabigla, natapakan niya ang silinyador imbes na preno.

Napaharurot ang pickup hanggang sa napunta ito sa kabilang lane at tuluyang bumangga sa pader ng bahay ng pamilya Samson.

Hindi naman grabe ang tinamong sugat nina Corpuz at Bacus habang nasira ang bumper ng pickup sa lakas ng pagkabangga.

Pumasok ang grills ng pader sa pintuan ng kitchen area ng bahay. Suwerte naman na walang nasaktan sa pamilya Samson.

Ayon kay Lito Samson, nakahiga siya nang marinig ang malakas na pag-preno hanggang sa bumangga ang sasakyan sa pader.

Ang mas ikinabahala pa niya ay ang posibleng pagsabog ng kanilang LPG tank na malapit lamang sa pintuan sakaling tinamaan.

Base sa imbestigasyon, accident-prone ang lugar kaya paalala ng awtoridad, iwasan ang mabilis na pagpapatakbo ng sasakyan sa palikong bahagi ng Diversion Road upang makaiwas disgrasya.

Posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property ang driver ng pickup.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.