1 patay, 3 sugatan sa pamamaril sa Bukidnon

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2018 07:00 PM

Nakuha mula sa crime scene ang mga basyo ng M-14 rifle, Garand rifle, M-16 rifle, at rifle grenade. Kuha ng Talakag Municipal Police

Isa ang patay habang 3 ang sugatan matapos paulanan ng bala ng hindi pa kilalang armadong grupo ang isang bahay sa Barangay Dominorog, bayan ng Talakag, Bukidnon Martes ng gabi.

Ayon sa report ng Talakag Municipal Police, patay ang 24-anyos na si Mariel Daculay matapos tamaan ng bala sa kaniyang ulo.

Isinugod naman sa ospital ang isang 2-anyos na bata matapos masugatan sa kaniyang braso. Sugatan din ang isang buntis at ang bayaw nito.

Narekober ng pulisya ang mga basyo ng M-14 rifle, Garand rifle, M-16 rifle, at rifle grenade sa crime scene.

Ayon kay PO2 Ismael Balbutin, posibleng may kinalaman sa rido at agawan ng lupa ang motibo ng pamamaril.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.