Naaagnas na bangkay, natagpuan sa Cagayan River

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2017 11:46 AM

TUMAUINI, Isabela - Natagpuan ang bangkay ng isang lalaki na palutang-lutang sa Cagayan River sa Barangay Annafunan, Tumauini, Isabela Linggo ng umaga.

Sa imbestigasyon, lumitaw na isang mangingisda ang nakakita sa katawan. Hindi aniya kaagad makilala ang bangkay ng lalaki dahil nasa "decomposition stage" na ito o naaagnas na.

Ayon kay Police Senior Inspector Allen Alcido, hepe ng Philippine National Police - Tumauini, positibong kinilala ang bangkay na si Manuel Balaba Jr., 60-anyos.

Mismong misis ng biktima ang kumilala sa bangkay.

Si Balaba ay residente ng Carpentero, Tumauini, Isabela. Nakilala ito dahil sa kanyang suot na maong short pants at sa kanyang ngipin.

Naireport umanong nawawala si Balaba noon pang ikatlo ng Pebrero matapos pumalaot at hindi na nakabalik sa kanilang tahanan.