Poe pinagsusumite ang LTFRB ng ulat sa jeepney modernization

Robert Mano, ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2023 08:22 PM

Iminungkahi ni Senate Committee on Public Services Chairman Grace Poe sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mas tutukan ang pagkakaroon ng dagdag na ruta at mga sasakyan para mabigyan ng maayos na transportasyon ang mga commuters.

Ito ang reaksyon ng senador sa bantang tigil-pasada ng ilang mga transport group bilang pagtutol sa PUV (public utility vehicle) Modernization Program.

Ayon kay Poe, matagal nang problema ang modernization sa mga PUVs dahil sa usapin kung saan kukunin ang pondo para rito.

Dagdag pa ng senador, hindi rin makautang nang tama sa gobyerno ang mga driver at operators para sa pag-upgrade ng kanilang mga sasakyan.

Dahil dito, duda si Poe na kung walang solusyon na ilalatag ang LTFRB ay tiyak na panibagong problema na naman ito at posibleng ma-extend ang deadline na ibinigay sa mga PUVs para makasunod sa modernization program.

"Sabihin na natin ano ba talagang kaya nating i-modernisa. Ang importante, may sapat na sasakyan at ligtas na masasakyan ang ating mga kababayan... tingnan nila kung may kakulangan sa mga ruta o may kakulangan sa sasakyan, 'yun ang tutukan nila ng kanilang pagbibigay-solusyon," ani Poe.

Dagdag pa ng senador, hihingi siya ng update sa LTFRB hinggil sa modernization at para matukoy na rin kung kakayanin pa ang ibinigay na deadline.

"I think it's high time really for them to come and give us an update... since they already extended it to June. We have ample time, hopefully, to see what the reality is and if June is a practical deadline. Is it an achievable deadline or is it another arbitrary deadline," ayon sa senador.

RELATED VIDEO:

Watch more News on iWantTFC