Retrato mula kay Capt. Eddyson Abanilla ng Philippine Coast Guard - Occidental Mindoro
Nasagip ngayong Lunes ng mga awtoridad ang 14 tripulante ng isang bulk carrier vessel na sumadsad sa may Lubang Island, Occidental Mindoro.
Ayon kay Capt. Eddyson Abanilla, station commander sa provincial coast guard, bandang alas-6:30 ng umaga nang makalapit ang rescue team ng Philippine Coast Guard at disaster officials sa barko matapos kumalma na ang alon.
Noong Linggo pa sinusubukang i-rescue ang mga tripulante na sakay ng MV Manfel Carrier V, pero hindi makalapit ang mga awtoridad dahil sa malalaking alon.
Base sa imbestigasyon, alas-9:30 ng umaga noong Sabado nang masiraan ng makina ang barko sa may Fortune Island habang patungo sa Bauan, Batangas galling sa Subic, Zambales.
Pero alas-6:30 ng gabi noong Linggo ay hinampas sila ng malalaking alon at tinangay patungo sa may Lubang Island hanggang sa sumadsad sa mga coral, 110 metro ang layo sa shoreline.
Nasa maayos na umanong kondisyon ang mga tripulante habang inaalam naman ng lokal na agriculture office ang naging pinsala sa corals.
Sinusuri na rin ang barko kung may butas para maiwasan ang oil spill lalo’t may 1,907 litro pa ito ng fuel sa tangke.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.