MAYNILA — Nasa 100 indibiduwal, karamiha'y mga estudyante, ang hinihinalang tinamaan ng food poisoning matapos kumain ng ginataan sa isang camp activity sa Sulu, sabi ngayong Lunes ng Philippine Army.
Ayon kay Army Spokesperson Col. Xerxes Trinidad, 78 estudyante at 22 adult ang nakaranas ng pagkahilo, pananakit ng tiyan at pagkahimatay matapos kainin ang ginataan na inihanda ng mga sundalo ng Philippine Army noong hapon ng Sabado.
Sinilbi umano ang pagkain sa mga dumalo sa 35th Joint Boys Scout and Girls Scout of the Philippines Institutional Camp sa Camp Bud Datu, Barangay Tagbak sa bayan ng Indanan.
Agad isinugod ang mga pasyente sa iba-ibang ospital at sa ngayo'y 88 sa kanila ang na-discharge na, ayon kay Trinidad.
Stable naman umano ang kondisyon ng natitirang mga pasyente, na inaasahang madi-discharge din ngayong Lunes.
Binabantayan umano ng 1103rd Infantry Brigade at 8th Field Artillery Battalion ang kondisyon ng mga pasyente.
Ayon kay Trinidad, pinadala na sa provincial health office ang food sample para masuri. Ipapadala pa umano ito sa Zamboanga City para sa "further tests."
Tiniyak naman ng Army na patuloy nitong tutugunan ang pangangailangan ng mga pasyente.
FROM THE ARCHIVES
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.