TIPS: Paano makatitiyak na ligtas ang binibiling wet wipes?

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2020 06:47 PM | Updated as of Feb 27 2020 08:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Pinaalalahanan ng Food and Drug Administration ang mga magulang na siguruhing ligtas ang binibiling wet wipes sa merkado. 

Kasunod ito ng paghain ng ordinansa ng Baguio City na nagbabawal sa paggamit ng ilang brand ng wipes na may delikadong kemikal.

Ayon kay Eric Domingo, officer-in-charge ng FDA, ang paggamit ng mga wet wipes na may delikadong kemikal ay posibleng magdulot ng iba't ibang problema sa katawan lalo na kung madalas ang paggamit nito. 

"There are some chemicals for example yung common talaga is irritation lang. Pero [there are] some na nakikita natin na nagiging cause ng production of hormones - like estrogen - na later on can lead to more problems like cancer... as they get older," ani Domingo. 

Para makatiyak na ligtas ang binibiling wipes, ipinayo ni Domingo, na i-check sa website ng ahensiya kung rehistrado ang nabibiling wet wipes. 

Mayroon aniyang advisory mula pa noong 2018 ang ahensiya. Pero patuloy pa rin ang pagbebenta ng mga hindi rehistradong wipes na may delikadong kemikal.

Bukod dito, "mas mura" ang mga pekeng wet wipes, ayon kay Domingo, na tagapagsalita rin ng Department of Health. 

Maaari ring i-check kung may delikadong kemikal ang wet wipes na planong bilhin. 

Ngayong buwan nagbaba ng ordinansa ang lokal na pamahalaan ng Baguio na nagbabawal sa pagbebenta ng anim na brand ng wipes. Ayon kay Domingo, ito rin ang mga brand na pinagbabawalan base sa kanilang dating abiso: 

  • Dong Bang
  • Dong Bang Yao Baby Tender
  • Family Treasure Baby Tender
  • Sky Fire Baby Tender
  • Giggley Baby Wipes
  •  Super Soft Skin Care Wet Towel

Pero aminado rin silang hindi nila matutukan nang masinsinan ang ibinebentang wet wipes sa merkado. 

"Puwede kaming mag-test, puwede kaming maglista, puwede kaming maglabas ng advisory pero 'di kaya ng FDA na mag-police sa buong Pilipinas at i-check talaga kung ano ang ibinebenta sa palengke," ani Domingo. 

Kaya naman nananawagan sila sa mga magulang at mga local government units na maging alisto sa binibiling wet wipes. 

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.