Pagpapalawig ng travel ban sa South Korea pinag-aaralan ng DOH

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2020 07:57 PM | Updated as of Feb 27 2020 09:37 PM

MAYNILA - Pinag-aaralan ng Department of Health (DOH) kung palalawigin pa nila ang kaaanunsiyo pa lang na travel ban sa South Korea kasunod ng pagdami ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lugar. 

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, magkikita ang Inter-agency Task Force on Emerging Infectious Diseases sa Biyernes, Pebrero 28 para pag-usapan kung palalawigin pa ang travel ban. 

"Titingnan kung baka palawigin pa ito. Mabilis magbago ang numero [ng mga may coronavirus] kaya nakakapangamba ito," ani Duque. 

Miyerkoles nang pagbawalan ang gobyerno ng Pilipinas ang mga turista na pumunta ng South Korea, na ngayo'y may nasa higit 1,200 kaso ng COVID-19. 

Saklaw din ng ban ang mga biyaherong manggagaling ng North Gyeongsang, isang lalawigan sa silangang bahagi ng South Korea na katabi ng Daegu city, ang sentro ng coronavirus outbreak sa naturang bansa. 

Wala sa ban ang mga manggagawa, estudyante, at mga residenteng Pinoy sa South Korea; kailangan lang nila pumirma ng deklarasyon na nagsasabing alam nila ang peligrong bumiyahe sa nasabing bansa.

Nakikipagtulungan na rin ang DOH para matunton ang mga nakapasok ng Cebu mula Daegu, South Korea - sa bisa ng contact tracing. 

Nasa "code blue" status ang Pilipinas sa COVID-19. Mas mababa nang isang antas sa tinatawag nilang "worst-case scenario," ayon kay DOH Health Emergency Management Bureau Director Gloria Balboa. 

"Ayaw natin na mabulaga. Worst is nag-spread na, marami nang cases affected ang local transmission. Meaning to say, dito na nanggaling yung pag-spread ng disease. If that happens, wala nang contact tracing parang pag merong symptomatic we will assume na COVID yun," ani Balboa. 

Sa ngayon, hindi pa tuluyang mapatupad ang ban dahil wala pang pormal na anunsiyong ibinababa ang gobyerno ukol dito. 

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.