Mga OFW, turista dama ang epekto ng South Korea coronavirus outbreak

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2020 07:55 PM | Updated as of Feb 27 2020 09:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pagbibigay-linaw sa South Korea travel ban hiling ng BI
BI spox: Kopya ng resolusyon ng travel ban hinihintay pa

MAYNILA - Dama na rin ng ilang overseas Filipino worker, maging ng mga turistang pupunta sana ng South Korea ang epekto ng COVID-19 outbreak kasunod ng pagdami ng nahahawa sa virus sa nasabing bansa. 

Sa kuha ng Filipino teacher na si Anne Campos, makikitang walang tao sa mga eskuwelahan dahil suspendido ang klase. 

Iilan lang din ang mga sasakyan sa kalsada at maluwag ang mga pamilihan; nagkakaubusan na rin aniya ng face masks sa lugar. 

Nagkakaubusan na rin ng face masks dahil sa banta ng COVID-19 sa lugar, dagdag niya. 

"Dahil sa shortage ng masks online pag nag-order online matatanggap niyo po pero ngayon it takes 4 to 5 days na [bago makakuha] at saka nagkakaubusan na po,” ani Campos. 

Humihiling naman ng tulong mula sa embahada ang mga Pilipinong residente sa Daegu City na mag-supply ng mga face mask, lalo na isa sila sa matinding tinamaan ng COVID-19. Ang Daegu City ang episentro ng coronavirus sa South Korea. 

"Wala pa talaga silang masyadong mabilhan ng masks at mga alcohol nagre-request po kami na sana mabigyan ang ating mga kababayan na nagwo-work dito sa Daegu city," ayon sa OFW na si Alicia Lipata. 

Bukod sa mga OFW, apektado rin ang ilang bibiyahe sana ng South Korea dahil sa banta ng coronavirus sa lugar gaya ni Maki Macabagdal. 

Ayon kay Macabagdal, kinansela muna nila ang kanilang biyahe para makasigurado. 

"Kumuha kami ng ticket for Korea sa December para sa buong family. Siyempre excited. Bumili kami ng mga pang-winter clothes. Tapos 'yong visa processing ng Korea medyo matagal," ani Macabagdal. 

"Nag-refund na lang [kami], pero malungkot kasi hindi matutuloy yung winter ngayon sa Korea with the family." 

'MGA PATAKARAN SA TRAVEL BAN 'DI PA MALINAW' 

Kaaanunsiyo lang noong Miyerkoles na magkakaroon ng travel ban sa South Korea para sa mga Pinoy na turista, at sa mga biyaherong galing sa North Gyeongsang Province - episentro ng virus sa nasabing bansa.

Aminado ang Bureau of Immigration na hindi pa malinaw kung paano nila maipapatupad ang travel ban, gayong wala pang naibababang resolusyon ukol dito. 

"We're still waiting for the copy of the resolution from the task force as well as clarification. Kasi what's different about this travel ban, unlike nung travel ban noong mga nakaraan, which targets the entire country, ito po selected lang 'yong travel ban natin," ani spokesperson Dana Sandoval. 

Nais din linawin ng BI kung sakop din ng ban ang mga turistang papasok ng South Korea para sa kanilang mga connecting flight, lalo't kalimitang layover ang nasabing bansa para sa mga pupunta ng Estados Unidos. 

Ang kawalan ng katiyakan ang nagtulak sa AirAsia na kanselahin ang kanilang flight ngayong Huwebes, ayon sa tagapagsalita na David De Castro. 
 
"Patuloy ang ating coordination with aviation authorities. We are waiting also for more official guidelines from them para po we could help each other out as to how we will be entertaining our guests also,” ani De Castro. 

Tuloy naman ang mga flight ng Philippine Airlines at Cebu Pacific na parehong nag-aantay ng kopya ng resolusyon mula sa mga ahensiya ng gobyerno. 

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.