Ina ng sanggol na isinilid sa eco bag sa Laguna natunton na: alkalde

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2020 07:04 PM | Updated as of Feb 27 2020 07:38 PM

Nasa pangangalaga na ng lokal na pamahaaan ng Biñan ang paslit na inabandona ng kaniyang ina sa kalsada. Ayon sa alkalde ng lungsod, hindi na nila nakikitang kaya ng ina na pangalagaan ang anak. Screengrab.

Natunton na ng mga awtoridad ang babaeng nag-abandona umano ng isang bagong-silang na sanggol sa kalsada sa Biñan, Laguna, ayon sa alkalde ng lungsod. 

Ayon kay Biñan mayor Arman Dimaguila Jr. natunton ang babae sa tulong ng mga social worker ng lungsod. 

Siya rin umano ang mismong nag-iwan ng bata sa kalsada. 

Kuwento umano ng ina ng sanggol sa mga social worker na nakakita sa kaniya, natakot itong iwanan ng kinakasamang babae kapag natuklasang nanganak siya kaya siya nagdesisyong iwanan na lang ang bata. 

Watch more in iWant or TFC.tv

"‘’Naitago kasi medyo mataba sya, dahil yung [bagong kinakasama] 
ang sumusuporta sa kanya," ani Dimaguila. 

"[Ang sabi] kapag nalamang nabuntis sya, baka iwanan siya, pinili na lang i-abandon ang bata," dagdag niya.

May dalawa pang anak na paslit sa dating asawa ang babae, na ngayo'y 27 anyos. Ngayon, nais umanong bawiin ng ina ang kaniyang inabandonang anak pero hindi pumayag ang mga awtoridad. 

"Nagsisisi siya kaya lang for us hindi na siya puwedeng sabihin na fit para maging nanay pa ng bata kukunin ng pamahalaan yung bata," ayon kay Dimaguila. 

Nagdesisyon na rin ang City Social Welfare Office na huwag nang kasuhan ang ina ng sanggol lalo na't may iba pa itong anak. 

Nasa maayos na kalagayan na ang paslit, na nananatili ngayon sa ospital at ilalagay sa kustodiya ng pamahalaan. 

Marami na rin ang tumutulong para alagaan ito. Pinangalanan na rin ng CSWD office ang sanggol. 

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.