Ilang Muslim pilgrim, nanghihinayang sa suspensyon ng entry visa pa-Saudi Arabia dahil sa COVID-19

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2020 08:42 PM | Updated as of Feb 27 2020 09:15 PM

ZAMBOANGA CITY - Ilang mga pilgrim sa Zamboanga City ang nanghihinayang matapos suspendihin ng Saudi Arabia ang entry visa para sa mga pilgrim sa Mecca ngayong taon, kasunod ng outbreak ng coronavirus disease 2019 sa Middle East.

Ayon kay Junaid Musa, isa sa mga nagparehistro sa National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) para sa pilgrimage, naghihinayang siya sa pagkakataon na makapunta sa Mecca, bagamat ito na ang pang-sampung bisita niya doon.

Halos isang taon din niyang pinaghandaan ang pilgrimage ngayong taon, mula sa aspetong spiritual, mental at pinansyal.

Umaabot din kasi sa higit P200,000 ang magagastos ng bawat pilgrim para sa kaniyang transportation at accommodation.

“Nanghihinayang din. Pero halimbawa, hihingin namin kay Allah na ipaalis na ang corona virus na ito. Dapat sana matuloy kasi, lalong-lalo na ang mga pilgrim namin na umaasa talaga sila ngayong taon na makapag-hajj sila, lalo na yung hindi pa nakasubok, yung mga first-timer," ani Musa, na chairperson ng Barangay Santa Barbara sa Zamboanga City.

Umaasa si Musa na magbabago pa ang desisyon ng pamahalan ng Saudi Arabia para matuloy siya sa kaniyang pilgrimage ngayong taon.

Ayon kay Zulfikar Abantas, director ng NCFM-Zamboanga Peninsula, nasa 128 pa lang ang nagparehistro na pilgrim sa kanilang opisina, at karamihan dito ay hindi pa nakabayad ng tinatawag na mutawiff.

Maaaring namang bigyan ng refund ang mga nakabayad na, aniya. Kailangan lang ipresenta sa kanilang opisina ang mga kaukulang resibo.

Payo ni Abantas sa mga pilgrim, ituloy lang ang pag-proseso ng kanilang mga dokumento para sa pilgrimage dahil pwede pa naman nila itong magamit sa susunod na taon.

“The ruling is in the Quran. You cannot move the schedule, because the schedule for hajj is mandated, executed, established on the holy Quran, so we have definite and fix schedule. So most likely if this is suspended, you have to wait for next year,” aniya.

Importante para sa mga Muslim ang pilgrimage sa Mecca dahil isa ito sa five pillars of Islam na kailangan nilang sundin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.