'Hopefully ma-resolve': Sara Duterte suportado ang franchise renewal ng ABS-CBN

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2020 06:55 PM | Updated as of Feb 27 2020 09:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nagpahayag ng suporta nitong Huwebes si Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio para sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN, kasunod ng pagtanggap ng kaniyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte sa sorry ng kompanya.

"Davao City fully supports ABS-CBN sa kanilang pagpapa-renew ng kanilang franchise. Of course malaki din ang suporta ng ABS-CBN sa Davao City at sa buong bansa," ani Duterte-Carpio sa isang panayam sa Sulu. 
 
"Hopefully ma-resolve in a very positive way ang issue ng franchise ng ABS-CBN," dagdag ng alkalde. 

Sa Mayo nakatakdang mapaso ang prangkisa ng ABS-CBN at may 11 panukala na nakabinbin sa Kamara para sa renewal nito. 

Nakatengga pa rin ito sa Kongreso kahit nakatakda na silang mag-recess sa loob ng ilang araw. 

SENYALES?

Watch more in iWant or TFC.tv

Miyerkoles ng gabi nang tanggapin ni Duterte ang paumanhin ng ABS-CBN kung nasaktan man ito sa pag-ere ng negatibong ad noong 2016 elections. 

Para sa ilang mambabatas, senyales na ito na dapat nang gumalaw ang bill para sa franchise renewal ng ABS-CBN. 

"The acceptance of the apology by the President is definitely a game-changer. It clears the way and paves the way to making Congress move faster and to rush it," ani Cebu City Rep. Raul del Mar

Maging si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, na miyemrbo ng minorya, naniniwalang malaking bagay ang pahayag ng Pangulo.

"That’s an additional push because whether you like it or not, that’s the unwritten reason there," aniya. 

Ayon naman kay Laguna Rep. Sol Aragones, na nagtrabaho noon sa ABS-CBN, malaki ang mawawala sa mga Pilipino kapag hindi magpatuloy ang serbisyo ng network.

"Siguro 'yung kapag hindi na-renew 'yung franchise ng ABS-CBN 'yun ang isa sa mga pinakamalungkot na yugto ng buhay ko," ani Aragones. 

POSIBLENG SA MAYO PA

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa kabila nito, sa Mayo pa rin daw diringgin ng Kamara ang renewal ng prangkisa ng kompanya, matapos ang lenten break ng Kongreso, ayon sa vice chairman ng House Committee on Legislative Franchises.

"I doubt it if we have time on Monday because there are a lot of pending bills," ani Isabela Rep. Antonio Albano.

Ayon naman kay Speaker Alan Peter Cayetano, mas marami kasing panukalang batas na mas uunahin nila.

Pero hindi naniniwala si Bayan Muna party-list Rep. Ferdie Gaite dahil aniya, sapat pa ang 6 na araw na nalalabing session days ng Kamara.

"We still believe na kaya pa rin, we still have next week and the next to discuss these matters at alam naman natin sa atin na kung gusto may paraan, kung ayaw may isang milyon na dahilan," aniya. 

PROVISIONAL AUTHORITY

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, sa isang "guidance" Justice Secretary Menardo Guevarra, sinabi nito na may sapat na kapangyarihan ang Kongreso para i-authorize ang National Telecommunications Commission (NTC) na bigyan ng provisional authority ang ABS-CBN para ituloy ang operasyon nito habang nakasalang sa Kongreso ang mga panukalang batas para ma-renew ang prangkisa nito.

"Congress is free to provide certain terms and conditions governing the exercise of said franchise... Such plenary power also includes the auxiliary power to define and preserve the rights of the franchise applicant pending the final determination on the renewal of the franchise," ani Guevarra sa guidance nito sa NTC.

Ang NTC naman, may kapangyarihan ding payagan muna na mag-operate ang isang entity na wala pang prankisa sa pamamagitan ng isang provisional authority.

"[T]he NTC may likewise provisionally authorize an entity subject to its regulatory jurisdiction to operate."

Dagdag pa ni Guevarra, nakagawian na ang pagbibigay ng provisional authority habang nagre-renew ng prangkisa pero mas matibay kung idaan ito sa pamamagitan ng isang concurrent resolution, ibig sabihin, hiwalay na resolusyon mula sa Senado at Kamara.

Pero para sa Integrated Bar of the Philippines (IBP), kung magkakasundo rin lang ang Senado at Kamara, bakit hindi na lang pag-usapan kung ipapasa o hindi ang prangkisa ng ABS-CBN.
 
"If both house of Congress can anyway have a timely consensus, it may be better for them to decide whether or not to pass a franchise law in accordance with the Constitution rather than a 'stop-gap' joint resolution authorizing NTC to administratively issue a provisional authority that theoretically can be questioned by interested parties in another quo warranto case before the courts," ani Domingo Egon Cayosa, national president ng IBP.

—Ulat nina Mike Navallo, Christian Esguerra, Zandro Ochona, Pia Gutierrez, at Jeff Canoy, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.