Balasahan ipatutupad sa Immigration matapos mabulgar ang 'pastillas modus'

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2020 04:07 PM

MAYNILA — Kasunod ng kontrobersya ukol sa tinaguriang "pastillas modus" sa ilang airport, nagdesisyon na ang pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) na magpatupad ng total revamp o malawakang balasahan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminals 1, 2 at 3. 

Sa ilalim kasi ng modus, binibigyan ng lagay ang ilang tiwaling immigration personnel para mapalusot ang ilang Chinese na kalaunan ay magtatrabaho sa Pilipinas, karaniwan sa mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).

Ayon sa BI, kasama sa total revamp ang lahat ng tauhan nito na naka-assign sa NAIA, mula sa port operations division, deputies, head ng bawat terminal, hanggang sa counter personnel maliban sa hepe nito. 

Ipinauubaya na ng Immigration sa Department of Justice kung isasama din sa balasahan ang hepe ng port operations division.

Paliwanag ng BI, dati naman nang kalakaran sa airport ang balasahan na naglalayong mapabuti pa ang performance ng kanilang mga tauhan at para na rin maiwasan ang katiwalian at korapsyon.

Samantala, humingi na rin ng tulong ang Immigration sa National Bureau of Investigation para sa mas malalimang imbestigasyon sa pastillas modus.


—Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.