Unibersidad dumistansiya sa nahuling 'grade fixer'

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2019 07:55 PM

Itinanggi ngayong Huwebes ng De La Salle University (DLSU) na konektado sa kanila ang babaeng nagpakilalang empleyado ng unibersidad at nangangako sa mga estudyante ng "pandodoktor" sa school records kapalit ang pera.

"DLSU would like to clarify that the said individual is not and has never been an employee of the University," sabi ng unibersidad sa isang pahayag.

Ayon pa sa unibersidad, hindi nila pinahihintulutan ang "grade fixing" o pagbabago ng mga marka ng estudyante kapalit ng pera. Nakapaloob din daw ang pagbabawal nito sa kanilang mga faculty at employee manual.

"The University does not tolerate such acts and has clear prohibitions against any form of grade fixing as stipulated in the faculty and employee manuals."

Inaresto ng National Bureau of Investigation ang babaeng nagpakilalang si Charity Angeles matapos ireklamo ng isang alyas "John."

Watch more in iWantTFC

Walang ID ang suspek nang maaresto kaya inaalam kung totoo ang ibinigay niyang pangalan. 

Modus umano ni Angeles na magpanggap na empleyado ng DLSU at mangako sa mga mag-aaral na kaya silang ipasa at mapa-graduate.

Aabot sa daang-libong piso ang naibayad kay Angeles, na kinasuhan ng estafa. 

-- May ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.