Piston, ibang grupo magsasanib-puwersa sa transport strike

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2019 03:52 PM | Updated as of Feb 27 2019 09:31 PM

Nag-anunsiyo ang transport group na Piston na magkakasa sila at iba pang grupo ng malawakang tigil-pasada dahil sa sunod-sunod na oil price hike.

Ayon kay Piston general manager Steve Ranjo, magsasanib-puwersa ang iba't ibang transport groups para iparating sa pamahalaan ang hinaing ng mga tsuper ng jeep, partikular na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. 

Nitong Martes naging epektibo ang higit P1 dagdag-singil sa kada litro ng gasolina at diesel.

Ito ang ikatlong sunod na linggong nagkaroon ng taas-presyo sa langis.

Mula Pebrero 12 hanggang 26, umabot na sa P3.05 ang itinaas-presyo ng kada litro ng gasolina, P2.70 sa diesel, at P2.50 sa kerosene.

Tumanggi naman si Ranjo na banggitin ang itinakdang petsa ng malawakang transport strike.

Pero aniya, uunahin nilang mag-picket sa harap ng tatlong pinakamalalaking kompanya ng langis sa bansa, 

Bukod sa oil price hike, puntirya rin ng protesta ang daing nila sa naging masamang epekto umano ng TRAIN law sa presyo ng bilihin. —Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.