PatrolPH

Pari inireklamo ng pangmomolestiya sa bata sa Negros Occidental

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2019 04:51 PM | Updated as of Feb 27 2019 08:43 PM

Inireklamo ang isang pari sa lungsod ng Cadiz, Negros Occidental dahil sa umano ay pangmomolestiya sa isang apat na taong gulang na bata. 

Isinampa noong umaga ng Miyerkoles ng mga magulang ng bata ang reklamong rape laban sa 41 anyos na si Fr. Aaron Buenacosa.

Watch more on iWantTFC

Mismong ang bata raw ang nagkuwento sa kaniyang ina ukol sa kahalayang ginagawa ng pari, ayon kay Chief Inspector Robert Mansueto, hepe ng Cadiz City police.

Lumabas din sa medical examination sa bata na mayroong gumalaw sa kaniya, ani Mansueto.

Unang inireklamo ng pamilya ang pari sa pulisya noong Pebrero 23 pero noong Pebrero 8 pa raw nangyari ang pagmolestiya sa bata.

Madalas hiramin ng pari ang bata sa ina nitong nagtatrabaho mismo sa simbahan, ayon sa ama ng bata.

Sinabi naman ng Diocese of San Carlos na tutulong sila sa imbestigasyon at ni-relieve na muna ang pari sa kaniyang parokya noong Linggo.

Ayon kay Bishop Gerardo Alminaza, nanindigan si Buenacosa sa kaniya na inosente ito pero gusto rin niyang marinig ang panig ng mga magulang ng bata. 

Nagdaos kamakailan sa Vatican ng apat na araw na conference — na pinangunahan ni Pope Francis — kung saan tinalakay ang isyu ng pang-aabusong seksuwal na ginagawa ng mga alagad ng simbahan.

Napagkasunduan sa pulong na pananagutin ang mga nagkasalang pari, obispo at iba pang opisyal ng simbahan.

-- Ulat ni Martian Muyco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.