Pagpapatupad ng 'driver-only car ban' muling inihirit ng MMDA

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2019 07:19 PM | Updated as of Feb 27 2019 08:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ihinihirit ng Metropolitan Manila Development Authority na buhayin muli ang high occupancy vehicle (HOV) traffic scheme sa EDSA. 

Sa ilalim ng HOV scheme, bawal bumaybay ang mga pribadong sasakyan sa EDSA na drayber lang ang laman tuwing rush hour. Layunin nito na maibsan ang bilang ng mga sasakyan sa kalsada. 

Iminungkahi ito ng MMDA matapos ihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya kayang maipatupad ang pangakong pagpapaluwag sa EDSA, na isinisi niya sa hindi pagpapakaloob sa kaniya ng emergency powers para masolusyunan ang problema sa trapiko. 

Sa naturang scheme din hinihikayat ng MMDA ang "carpooling" para iwas-huli. Iginiit ni MMDA General Manager Jojo Garcia na luluwag ang kalsada sa tuluyang pagpapatupad ng HOV scheme. 

"Ang problema talaga is volume. Eh ano ang solusyon? Reduce 'yung volume (ng sasakyan). How can you reduce volume? [Through] carpooling," ani Garcia. 

Bukod dito ay nananatili pa raw kasi ang trapiko sa kabila ng mga samu't saring traffic scheme na ipinapatupad ng MMDA gaya ng no- contact apprehension, yellow lane policy, pagbabaklas ng mga ilegal na terminal at iba pa. 

Pinalutang ng MMDA ang HOV scheme noong Agosto 2018 pero pumalag ang Senado at pinigilan ang MMDA sa pagpapatupad nito. 

Ayon sa datos ng MMDA, nasa 35 porsiyento ang mababawas na kotse sa EDSA tuwing rush hour kung bawal ang single passenger dito, kaya ayon kay Garcia, makikinabang ang mga commuter sa pagpapatupad ng nasabing scheme. 

"Pagka lumuwag 'yan, ang makikinabang ang commuters, 'yong mas mahihirap natin na walang pambili ng sasakyan, 'yung mga nagko- commute sa bus [ang mga makikinabang]," aniya. 

Ilalatag ni Garcia ang panukala sa susunod na meeting ng Metro Manila Council, na aprubado daw sa panukala. Aniya, dapat lamang pag-usapan ng technical working group ang laman ng magiging polisiya nila ukol dito. 

Nilinaw ng MMDA na maaari pa namang bumiyahe ang mga sasakyang may solo passengers ngunit hindi lang sila maaaring makadaan ng EDSA. 

Sa ilalim ng panukala, pinagbabawalan ang mga solo passengers sa EDSA mula alas-7 hanggang alas-10 ng umaga, at mula alas-6 hanggang alas-9 ng gabi tuwing Lunes hanggang Biyernes. -- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.