Lalaking may kasong rape, arestado matapos magtangkang kumuha ng police clearance

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2019 08:41 PM

MAYNILA - Arestado ang isang lalaking nagtangkang kumuha ng police clearance nitong Miyerkoles matapos mapag-alaman na wanted siya sa kasong rape.

Kumukuha ng clearance sa Makati Police Central Headquarters ang 42 anyos na suspek nang lumitaw sa kaniyang record na may kaso siya, ayon sa hepe na si Police Colonel Rogelio Simon.

Paliwanag ng suspek, hindi niya raw alam na may kaso siya.

Dati daw siyang inireklamo ng kaniyang hipag ng rape ngunit sa pagkakaalam raw niya ay nagkaayos na sila kaya hindi na siya sumipot sa korte.

Taong 2015 nang maglabas ng arrest warrant ang Cavite Regional Trial Court Branch 21 laban sa lalaki.

Muli namang nagbabala ang pulisya na malawak ang kanilang online database at agad na mahuhuli ang mga taong may kaso na magtatangkang kumuha ng clearance.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.