Kulungan sa Agusan del Norte negatibo sa droga matapos ang inspeksyon

Lorilly Charmane D. Awitan, ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2019 04:20 PM

Negatibo sa ilegal na droga ang ininspeksiyon ng awtoridad na dorm facility ng Cabadbarant City District Jail sa Agusan del Norte. Lorilly Charmane D. Awitan, ABS-CBN News

CABADBARAN CITY, Agusan del Norte – Walang nakitang ilegal na droga o kagamitan kaugnay nito sa isinagawang greyhound operation ng awtoridad sa Cabadbaran City District Jail, Miyerkoles ng madaling araw.

Bahagi ito ng regular na pag-inspeksiyon ng pulisya at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa loob ng mga bilangguan laban sa ilegal na droga. 

Inilipat muna sa holding area ang mga inmate matapos na makapkapan. Unang pumasok sa mga dorm ang K9 unit ng PDEA Caraga. Isa-isa rin ininspeksyon ang mga gamit ng inmate.

Mga gamit panulat tulad ng ballpen at lapis, portable electric fans, cards at belt ang tanging nakuha sa operasyon. 

Nagsagawa din ng drug test sa jail guards at lahat ay nag-negatibo sa droga.

Ang Cabadbaran City District Jail ay may 268 inmates. Idineklara itong drug-cleared noong Disyembre 2018.

Ang mga kaparehong paggalugad sa ibang kulungan ay nagresulta sa pagkakumpiska ng droga na naipupuslit sa loob. 

Sa isang operasyon sa Davao City jail kamakailan, napatay pa ang 4 na bilanggo dahil nanlaban umano ang mga ito habang inilalabas sa selda para sa inspeksiyon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.