PatrolPH

Farm tractors sinilaban ng umano'y NPA sa Negros Oriental

Mark Salanga, ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2019 01:47 PM

Farm tractors sinilaban ng umano'y NPA sa Negros Oriental 1
Pangingikil ang hinihinalang motibo sa panununog ng farm tractor sa Barangay Santa Monica sa Manjuyod, Negros Oriental. Larawan mula sa Manjuyod Police


MANJUYOD, Negros Oriental – Limang farm tractors at isang carrier vehicle ang sinilaban ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Longa Hermosa Hacienda sa Barangay Santa Monica dito sa bayan Lunes ng gabi.

Ayon sa militar, tinatayang nasa P3-milyon ang halaga ng sinunog na sasakyan sa lupaing pagmamay-ari ni Punong Barangay Martin Longa.

Sa impormasyon ng Task Group Negros Oriental, nagpakilala umanong rebeldeng NPA ang nasa 50 armadong katao na pumasok sa hacienda at sinunog ang mga traktora.

Dagdag pa ng militar na dati nang nakatanggap si Longa ng extortion demand mula sa NPA sa halagang P500,000, pero hindi siya nagbigay dito.

Kinuha rin umano ng mga rebelde ang dalawang cellphone, dalawang handheld radio at isang wi-fi modem mula sa hacienda.

Kasalukuyang nagsasagawa ng pursuit operation ang 94th Infantry Battalion ng Philippine Army laban sa mga rebelde.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.