Dugong natagpuang patay sa Palawan

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2019 03:59 PM

Agad din inilibing ang dugong na natagpuang patay sa dalampasigan ng Araceli sa Palawan. Larawan muna sa lokal na pamahalaan ng Araceli


ARACELI, Palawan – Patay na nang matagpuan ang isang babaeng dugong o seacow sa dalampasigan ng Barangay Poblacion dito sa bayan, Martes ng umaga.

Hinihinalang may sakit at nanghina na ang dugong nang mapadpad sa mababaw na parte ng dagat. Namataan na rin ang dugong ng ilang mga naliligo sa beach noong nakaraang araw pero walang nagtangkang lumapit dito.

“Namamataan na ng mga naliligo nakaraan diyan na lumalangoy ang dugong pero hindi rin nila akalain na nanghihina na pala ito,” paliwanag ni Municipal Agriculture Officer Divine Ventilacion.

Ang dugong ay may habang 244 centimeters o walong talampakan at lapad na 164 cm. May timbang ito na mahigit 400 kilo.

Ayon sa tala ng International Union for Conservation of Nature o IUCN, nabibilang ang dugong sa mga species na "vulnerable to extinction" o nanganganib nang maubos.

Ibinalot sa lambat ang dugong bago inilibing para masigurong maiipon ang mga buto nito na puwedeng i-display sa exhibit.

“Nitong nakaraan kasi nawala 'yung mga buto na inilibing namin. Pero ngayon, sinecure na hindi na ito mapapakialaman ulit. Gusto kasi namin ma-preserve ito,” dagdag ni Ventilacion.

Nabubuhay hanggang 70 taon ang mga dugong na mabagal rin ang proseso ng reproduction o pagpaparami.

Dahil dito, mahigpit na ipinatutupad sa bansa ang Republic Act 9147 o Wildlife Act na sumasaklaw sa pagprotekta sa mga hayop.

Nakasaad din sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Administrative Order No. 55 of 1991 na idinedeklara ang dugong bilang protected marine mammal sa Pilipinas.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.