CCTV footage sa pagpatay sa negosyante sa Bacolod, inilabas na

Mark Salanga, ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2019 03:50 PM

Watch more in iWantTFC

CCTV footage mula sa Bacolod City Police Station 2

BACOLOD CITY – Dalawa hanggang 5 katao ang tinitingnan ngayon ng pulisya na pumatay sa negosyanteng si Alex Yao sa compound ng isang simbahan noong Peb. 19.

Sa 9 segundong kopya ng CCTV footage sa pinangyarihan ng insidente na ipinamahagi ng Bacolod City Police Office sa media, makikita ang pamamaril sa biktima sa driver’s side ng kaniyang sasakyan.

Pagkatapos nito ay agad na umangkas sa naghihintay na motorsiklo ang gunman.

Pero hindi klaro ang kuha ng CCTV kaya’t nananatiling isang malaking hamon para sa pulisya ang pagkilala sa salarin.

Dagdag ng pulisya at base rin sa CCTV, makikita umano ang ilang tao na umaaligid sa lugar bago ang pamamaril.

Ipinapa-enhance na ng pulisya sa Criminal Investigation and Detection Group ang kuha ng CCTV. Hiningi rin nila ang tulong ng cybercrime unit ng Police Regional Office 6 hinggil sa kaso.

Pagpapautang ang negosyo ni Yao at isa lamang ito sa mga anggulong tinitingnan ng pulisya sa pagpatay sa kaniya.

Galing prayer meeting ang mag-asawang Yao at pauwi na sana nang pinagbabaril sa kanilang sasakyan. 

Nasugatan din sa pamamaril ang asawa ng biktima. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.