Barangay chairman na dawit sa kasong murder timbog

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2019 08:06 PM | Updated as of Feb 27 2019 08:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado sa Legazpi City, Albay nitong Miyerkoles ang isang barangay chairman na dawit umano sa isang pagpatay noong 2012. 

Natimbog ng National Bureau of Investigation (NBI) Special Task Force ang politikong si Vincent Capinig, na may nakabinbing warrant of arrest.

Pero depensa ni Capinig, binuhay lang ang kaso ng kaniyang mga katunggali sa politika dahil tumatakbo siya ngayong bise alkalde sa Masbate.

Kuwento niya, na-dismiss na ang kaso noon sa piskalya pero "trinabaho" umano ng kaniyang mga kaaway ang pagbubukas muli ng murder case.

"Akala ko na-dismiss na 'yang kaso na 'yan. Nadawit lang ako diyan, 'yung mga kaanak ko ang kasama diyan," sabi ni Capinig. 

Bukod sa murder, nahaharap pa sa kasong paglabag sa Commission on Elections (Comelec) gun ban si Capinig matapos makuhanan ng armas. 

 'Hitman' ng mga politiko timbog sa Siargao

Sa labas naman ng korte sa Del Carmen, Siargao ay agad pinaligiran ng NBI-Anti-Fraud Division ang isa pang suspek sa murder na si Rogelio Sumando.

Si Sumando ay may arrest warrant sa kasong murder noong 2004. Ayon sa NBI, kilala siyang hitman ng mga politiko at matagal nang nagtatago.

"Dito mayroon pang dalawang kasong murder itong suspek natin, at the same time mayroong rape case umano pero 'yun ay ive-verify pa," sabi ni Aldrin Mercader, NBI agent na nakatutok sa kaso ni Sumando. 

Ang suspek ay dumalo lang sa hearing ng iba pa niyang kaso noong siya'y mahuli. 

Sa tanggapan ng NBI ay inamin ni Sumando na dati siyang tauhan ng isang politiko pero tumanggi na siyang magbigay pa ng ibang detalye.

"Dati pa 'yun eh, matagal na iyon. Wala nang kaso. Ang sa akin lang, nahuli ako ngayon dahil sa pulitiko," giit ng suspek. 

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.