Babae, patay nang magulungan ng truck

Paul Palacio, ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2019 09:56 AM

May kargang construction materials tulad ng mga bakal at plywood ang truck nang maaksidente sa Davao City. Paul Palacio, ABS-CBN News

DAVAO CITY – Patay ang isang 47-anyos na babae matapos na magulungan ng truck na may kargang bakal at plywood sa Bypass Road, Catalunan Pequenio, Martes ng umaga.

Ayon kay PO1 Charles Arban, magde-deliver lang sana ng construction materials ang truck nang mawalan ng preno habang binabaybay ang Bypass Road.

Bumangga ang truck sa isang closed van, isang motorsiklo at isang pick-up.

Tumilapon ang biktimang si Bernadeth Alfredo na angkas ng nabunggong motorsiklo. Nagulungan pa ang ulo nito nang umatras ang truck at tuluyang nahulog sa banging may 10-metro ang lalim.

Bukod sa nasawi, limang iba pa ang nasugatan sa aksidente, kabilang ang driver ng truck na si Danilo Igancio, mga pahinanteng sina Chobok Salinas, Reymark Alcasid, Ping Biter at asawa ni Alfredo na si Jonathan.

Agad namang inasikaso ng insurance company ang mga biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.