ALAMIN: Tungkulin, saklaw ng itatatag na housing department

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2019 12:54 PM | Updated as of Feb 27 2019 01:12 PM

Watch more in iWantTFC

Nitong Pebrero ay pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11201, na magtatatag sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD). 

Ayon kay Atty. Claire Castro, saklaw nito ang kapangyarihan ng lahat ng kasalukuyang ahensiya ng gobyerno na may kinalaman sa pabahay. 

"May mga batas na tayo ukol dito, pero watak-watak siya eh... Pero with this law na bago, nag-create ng Department of Human Settlements na itong mga ahensiya na ito, na dati nang nagwo-work for human settlements eh mapag-isa sa isang ahensiya," ani Castro sa "Usapang de Campanilla" noong Martes.

Mapapailalim sa departamento ang mga ahensiyang National Housing Authority (NHA), National Home Mortgage Finance Corp., Home Development Mutual Fund, at Social Housing Finance Corp.

Magtatatag din ang gobyerno ng Housing One-Stop Processing Centers para pag-isahin na ang pagproseso at pag-iisyu ng mga permit, clearance, at lisensiyang may kinalaman sa pabahay. 

Nauna nang nagpahayag ng pangamba ang mga empleyado ng NHA dahil baka umano mawalan sila ng trabaho kapag isinama na ang tungkulin nila sa DHSUD. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.