3 bahay naabo sa sunog sa Zamboanga City

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2019 07:44 PM

ZAMBOANGA CITY - Tatlong bahay ang naabo sa isang sunog sa Barangay Kasanyangan sa lungsod na ito Miyerkoles ng hapon.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang apoy sa bahay ni Amida Lawin hanggang sa kumalat ito at nadamay pati ang dalawang katabing bahay na pagmamay-ari nina Galib Yusoph at Nurja Jamiri.

Bukod sa mga bahay, natupok din ng apoy ang isang pick-up na nakalimutang ilabas ng may-ari dahil sa pagkataranta.

Ayon kay Supt. Jhufel Brañanola, District Fire Marshall, dalawang anggulo ang iniimbestigahan ng mga bombero sa kung paano nagsimula ang sunog.

Una na dito ay dahil sa LPG tank ng pamilya Lawin. May narinig umano ang ilang residente na pagsabog bago nangyari ang malaking sunog.

Pero may nakalap din na impormasyon ang mga bombero na nagsasabing sa isang poste ng kuryente malapit sa bahay ng pamilya Lawin nagsimula ang apoy.

Unang nadamay sa sunog ang bahay ng pamilya Lawin, hanggang sa kumalat na ito at natupok din ang dalawang magkatabing bahay.

Umabot ng higit isang oras bago naapula ng mga bombero ang sunog.

Wala namang nasaktan sa insidente.

Ayon sa BFP, umabot sa higit P500,000 ang halaga ng mga nasirang ari-arian.

Mula Enero hanggang Pebrero nitong taon, umaabot na sa higit 120 na insidente ng sunog ang naitatala ng BFP sa lungsod.

Nasa 24 dito ay structural fire, 73 ang grass fire, 20 ang bush fire, 2 ang naitalang sunog sa barko habang 2 naman sa mga sasakyan. 

Inaasahan na ng BFP na tataas pa ang mga insidente ng sunog sa susunod na buwan dahil na rin sa nararanasang El Niño.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.