2 sugatan matapos barilin sa labas ng KTV bar sa QC

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2019 05:09 AM | Updated as of Feb 27 2019 07:03 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Sugatan ang 2 lalaki matapos barilin sa labas ng isang KTV bar sa IBP Road, Quezon City Martes ng gabi.

Naisugod agad sa ospital ang mga biktima na nasa stable ngayon na kalagayan.

Kuwento ng isang waiter, nag-iinuman ang mga biktima, kasama ang 2 pang kaibigan, simula alas-9 ng gabi.

Nagbayad pa umano ito sa mga ininom at naghihintay ng traysikel nang huminto ang isang kotse. Bumaba ang salarin at saka pinagbabaril ang 2 lalaki.

Ayon sa kasamahan ng mga biktima, sinita sila ng salarin habang pababa ng hagdanan. Nagpakilala pa raw itong isang pulis.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, may nakaalitan ang mga biktima sa loob ng bar.

"Nabuwisit siguro ang suspek kaya binalikan at binaril," ani Chief Insp. Sandie Caparroso ng Quezon City Police District (QCPD) Station 6.

Itinanggi naman ni Caparroso na pulis ang responsable sa insidente.

Hawak ngayon ng pulisya ang isang person of interest na positibong kinilala ng mga testigo.

Itinanggi naman nito na may kinalaman siya sa nangyari. Isasailalim siya sa paraffin test upang malaman kung nagpaputok ito ng baril. - ulat nina Jervis Manahan at Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.