PatrolPH

2 drug suspect patay sa barilan sa Davao City

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2019 03:17 PM

Napatay ang dalawang drug suspect matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Davao City noong madaling araw ng Martes, ayon sa ulat ng pulisya.

Maghahain sana ng search warrant ang mga pulis laban kina Noel Segovia at Roland Monleon sa Barangay Buhangin nang magpaputok ang mga ito ng mga baril, dahilan para gumanti ang mga awtoridad, ani Police Superintendent Maximo Sebastian.

"Nang mag-serve na tayo ng search warrant para sa dalawang suspect... imbes na papasukin, ayaw bumukas ng pinto. Pagpasok ng mga tao ko, biglang pinaputukan na sila," ani Sebastian.

Narekober sa mga suspek ang 2 pistola, mga bala, at 4 na sachet ng hinihinalang shabu. 

Kasama rin sa search warrant ang magkapatid na Edwin at Edmund Tibay, na pinuntahan ng mga pulis sa Barangay Cabantian.

Naaresto si Edwin — na nakuhanan ng 3 sachet ng hinihinalang shabu — habang nakatakas naman si Edmund.

Nahaharap si Edwin sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

-- Ulat ni Cheche Diabordo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.