Tambak na kaso, maaaring harapin ng dawit sa cybersex trafficking

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2018 11:43 PM | Updated as of Dec 17 2019 02:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Posibleng maharap sa patong-patong na kaso ang babaeng nahuli sa Tacloban dahil sa pagpapatakbo umano nito ng mga cybersex den, ayon kay Atty. Noel Del Prado sa programang "Usapang De Campanilla" sa DZMM. 

Naaresto kamakailan ang babae at ang dalawa pa nitong kasamahan dahil umano sa pag-alok ng malalaswang video sa internet.

Nasa 13 biktima, kabilang ang siyam na menor de edad, ang nasagip ng mga awtoridad sa operasyon.

Sinasabing "human trafficking" ang krimen kapag dinadala ang biktima mula sa isang lugar papunta sa ibang lugar para doon pagsamantalahan.

"Mahalaga ditong mga elemento, mayroon siyang pinanggalingan, kung saan siya ni-recruit o binayaran, at dinala sa ibang bansa at doon siya i-exploit," sabi ni Del Prado.

"Sakop nito iyong pagdadala ng isang biktima mula sa isang lugar papunta sa isang lugar, puwedeng sa loob ng isang bansa o puwedeng tumatawid sa mga teritoryo ng ibang bansa," paliwanag ni Del Prado.

Nakapaloob sa Republic Act (RA) 10364 o "Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012″ ang iba't ibang pananamantala na kaakibat ng human trafficking, kabilang ang prostitusyon at pang-aalipin.

Maaaring patawan ng reclusion perpetua ang nahuli, ani Del Prado, dahil sinangkot niya sa kalaswaan ang menor de edad. Ito ay pagkakakulong na maaaring abutin ng 20 taon. 

Dagdag ni Del Prado, patong-patong na kaso pa ang posibleng harapin ng sinasabing nagpapatakbo ng cybersex den sa Tacloban.

Bukod kasi sa itinatampok ang mga biktima sa mga malalaswang palabas, karamihan sa mga ito ay menor de edad at ang transaksiyon ay nangyayari sa internet.

Ibig sabihin, maaari rin umanong kasuhan ang babae ng paglabag sa RA No. 9775 o Anti-Child Pornography Law at Cybercrime Prevention Act.

Sa mga ganoong situwasyon, maiiwan naman umano ang mga biktima, lalo na ang mga menor de edad, sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development.

"Sila iyong pumapasok sa posisyon ng mga magulang at tumatayong mga magulang, magbibigay ng proteksiyon, rehabilitasyon, at panandaliang parental authority," ani Del Prado. 

Maaari ring tanggalan ng parental authority o karapatang maging magulang ang suspek.

"Idedeklara iyong bata na legally free for adoption," ani Del Prado.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.