Sereno, 'pinagliban' ng mga kapwa mahistrado: sources

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2018 05:15 PM | Updated as of Feb 27 2018 10:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sapilitan umano at hindi kusang-loob ang gagawing "wellness leave" ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno simula Marso 1, matapos "komprontahin" ng mga kapwa mahistrado sa kanilang en banc meeting Martes.

Ayon sa sources ng ABS-CBN News, napagdesisyunan umano ng en banc na pilitin si Sereno na pansamantalang bitawan ang pagiging Chief Justice bunsod ng isinampang impeachment case laban dito. 

Ayon umano sa mga mahistrado, nakaladkad na ang buong Korte Suprema sa mga paratang kay Sereno, kaya't nasisira na ang reputasyon at nawawalan na ng tiwala ang mga tao sa institusyon. 

Salungat ito sa pahayag ng mga tagapagsalita ni Sereno, na sinabing personal na desisyon ni Sereno ang mag-leave bilang paghahanda sa kaniyang posibleng paglilitis sa Senado na tatayo bilang impeachment court kung sakali. 

Anila, walang anumang record na magpapatunay na may naganap na komprontasyon ng mga mahistrado.

"No, she's not forced. It's her personal decision to go actually on leave. There is nothing, I think, that we can show based on records that the Supreme Court has done to force her in any way to actually take this leave," ani Jojo Lacanilao, isa sa mga abogado ni Sereno.

Pero sa kalagitnaan ng huling House hearing na tinatalakay ang mga akusasyon kay Sereno, hindi napigilan ni justice committee chairman Reynaldo Umali na pasaringan ang mga tagapagsalita ni Sereno dahil sa kanilang "kasinungalingan."

"[The] justices said that what was agreed upon during the en banc was an indefinite leave by the Chief Justice, not a wellness leave...Bakit ganito? Nililinlang na natin ang tao...Pati yata spokesperson niya nahawa na sa kasinungalingan," ani Umali. 

Nanindigan naman ang kampo ng Chief Justice na walang planong magbitiw sa puwesto si Sereno. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.