SAF trooper, sugatan sa pananambang sa Batangas

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2018 02:31 AM

Sugatan ang isang miyembro ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP) matapos tambangan sa Tanauan City, Batangas Linggo ng umaga.

Nagtamo ng tama ng bala sa kanang bahagi ng katawan si PO1 Rex Allan Paulmitan.

Ayon sa Tanuan City police, sakay ang biktima ng minamanehong kotse para sunduin ang kaniyang asawa sa trabaho nang biglang pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang salarin.

Agad tumakas ang mga salarin na pinaniniwalaang sakay ng isang tricycle.

Posible umanong isang M16 rifle at isang kalibre .45 na baril ang ginamit sa pananambang.

Isinugod sa pinakamalapit na ospital si Paulmitan matapos makahingi ng tulong sa mga residente.

"Nung huli kaming magpunta doon ay kasalukuyan pang inooperahan. Pero ayon naman sa pamilya ay okay na naman daw po," ani SPO1 Froilan Quisquino, investigator ng Tanauan City police.

Hindi pa tukoy ng pulisya ang motibo sa pananambang pero tinitingnan nila ang posibilidad na may kaugnayan ito sa trabaho. - ulat ni Fay Virrey, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.