Roque: Pagwawakas sa 'endo,' di inuurungan ni Duterte

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2018 05:12 PM

Nilinaw ng Palasyo nitong Martes na hindi tinatalikuran ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangakong tatapusin na ang sistemang "end of contract" o "endo" sa mga trabaho.

Endo ang tawag sa paulit-ulit na pagsailalim sa mga manggagawa sa iilang buwang kontrata lamang sa trabaho nang sa gayo'y hindi sila maging regular at magkaroon ng benepisyong ibinibigay sa regular na manggagawa.

Paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, tinitimbang lang ni Duterte ang usapin, at maiging pinag-aaralan ang panig ng mga manggagawa gayundin ang mga employer at mga namumuhunan sa negosyo sa bansa.

"I don't think he [Duterte] has retreated. He has asked for more time to study the matter, and that's what he is doing now," pahayag ni Roque sa isang news conference sa Malacanang.

Noong Lunes, sinabi ni Duterte na mahirap ibigay ang lahat ng kondisyon para sa mga manggagawa.

"I don't think that I can really give them all kasi hindi naman natin mapilit 'yung mga kapitalista na --- kung walang pera o ayaw nila o tamad. Don't make it hard for them to run the business the way they like it because that's their money. So something of a compromise must be --- maybe acceptable to everybody," sinabi ni Duterte.

Nauna na ring nakiusap ang Palasyo ng mas mahaba pang panahon bago makapaglabas ng utos hinggil sa endo.


--Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.