Pedicab driver, patay sa pamamaril sa Gen San

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2018 05:07 PM

GENERAL SANTOS CITY - Patay ang isang pedicab driver matapos itong pagbabarilin sa Barangay Fatima dito sa siyudad, Lunes ng gabi.

Anim na tama ng bala ang tinamo ng biktimang si Charply Bataluna nang tambangan ito ng isang di pa kilalang salarin.

Ayon sa isang testigong tumangging magpakilala, pasado alas-6 ng gabi nang umalingawngaw ang sunod-sunod na putok ng baril. 

Kuwento ng testigo, dumapa sila sa loob ng bahay nang marinig ang mga putok ng baril. Nang lumabas siya ng bahay ay nakita niya umanong nakahandusay ang biktima at tumatakbo ang gunman papunta sa kasamahan nitong nakamotorsiklo. 

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, posibleng kalibre .38 revolver ang ginamit sa pamamaril dahil walang nakitang basyo ng bala sa crime scene. 

May lead na ang mga pulis sa kaso at tinitingnan nila ngayon ang anggulong may matinding galit ang gunman sa biktima. 

Tumanggi ang mga pulis na pangalanan ang suspek dahil posibleng may kinalaman umano ito sa isinampang kaso noon ng biktima matapos siyang makaligtas sa pamamaril noong Marso 2017. 

Ayon sa pamilya ng biktima, 3 beses binaril noon si Bataluna pero hindi ito tinamaan. 

Nakilala ni Bataluna ang bumaril kaya sinampahan niya ito ng kaso, ani ng kaanak ng biktima na tumangging ibigay ang pangalan.

Noong nakaraang linggo pa umano namataan ng biktima na may umaaligid na sa kaniya kaya naging tahimik ito sa kanilang bahay.

Desidido naman ang pamilya ni Bataluna na magsampa ng kaso laban sa suspek pagkatapos na mailibing ang biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.