'Off duty' na pulis, nanghabol ng snatcher

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2018 06:45 PM | Updated as of Oct 16 2018 03:48 AM

Nangibabaw sa isang pulis ang pagiging tapat sa serbisyo matapos habulin ang isang snatcher kahit "off duty" o wala sa trabaho at kasama pa ang kaniyang mag-ina.

Ihahatid lang sana ni Police Officer 2 Mel Bautista ang kaniyang asawa at anak sa bahay ng kanilang pinsan sa Tondo, Maynila noong Biyernes ng gabi nang matiyempuhan nila ang mabilis na pagbaba ng isang lalaki mula sa jeep. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Natukoy ni Bautista bilang kawatan ang lalaking kinilalang si Arnulfo Ramiscal dahil sa sigaw ng mga pasahero sa jeep.

Agad namang pinaandar ni Bautista ang motor at hinabol si Ramiscal kahit noong mga sandaling iyon ay angkas niya ang kaniyang mag-ina.

"Kinakabahan pero sabi nga, tawag ng tungkulin, sinumpaan," ani Bautista.

Nakuhanan ng CCTV ng barangay na pumasok si Ramiscal sa Barcelona Street, Barangay 47 at naghubad pa ng damit para hindi makilala.

Nang maabutan at sitahin siya ni Bautista ay muli itong tumakbo para tumakas.

Iniwan ni Bautista ang kaniyang mag-ina para habulin ang kawatan.

"Medyo malayo iyong habulan na nangyari sa amin eh," kuwento ni Bautista. "Sabi sa'kin ng mga tao dito, dito talaga laging bumababa iyon at tumatakbo."

Tumagal ng ilang minuto ang kanilang habulan bago tuluyang nahuli ang itinuturong snatcher, na aminadong dati nang nakulong dahil sa pagnanakaw.

"Para sa sugal lang, [magnanakaw] ako," sabi ni Ramiscal.

RAMBOL

Pero hindi lang si Ramiscal ang naging dahilan ng gulo sa Barcelona Street. 

Nitong Martes ng madaling araw sa parehong lugar, nagkaroon ng gulo sa pagitan ng mga lalaki.

Noong una ay sagutan lang ang nangyari sa magkabilang panig pero kalaunan ay nagkabatuhan na ng bote hanggang sa nauwi sa rambol. 

Ayon sa ina ng isa sa mga lalaking sangkot sa gulo, babae ang dahilan ng pagsiklab ng gulo.

Sabi ni Dolores Teloza, kapitan ng Barangay 47, karaniwang tahimik ang kanilang lugar pero hindi umano maiwasang may mga dumadayong nagiging pasimuno ng gulo.

Mabuti na lang aniya at maayos ang kanilang mga CCTV kaya mabilis na nakareresponde ang mga awtoridad sa mga gulo. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.