NFA, kinuwestiyon sa kakulangan ng bigas

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2018 09:50 PM | Updated as of Dec 17 2019 02:15 PM

Watch more in iWantTFC

Nasabon si National Food Authority (NFA) Administrator Jason Aquino sa pagdinig ng Senado nitong Martes kaugnay sa estado ng operasyon ng ahensiya, at suplay ng NFA rice sa bansa.

Maliban kasi sa pag-anunsiyong wala na silang makuhanan ng bigas, na lumikha ng "panic" sa publiko, may mga nakita pang butas ang mga senador sa operasyon nito. 

"Anu-ano ba ang dahilan bakit wala tayong NFA rice? Samantalang sapat naman ang ani ng ating mga magsasaka," ani Sen. Nancy Binay, chairperson ng committee on social justice and rural development.

Ginagawan naman umano ng paraan ng NFA ang kapos nilang suplay.

Ngunit, sa halagang P20 kada kilo umano ibinebenta ang palay ng mga magsasaka, mas mataas sa P17 kada kilo na aprubado ng NFA Council.

"Aggressive po 'yung procurement natin all over the Philippines, and there is no such thing as P10 na cleaned and dry," sinabi ni Aquino.

Ayon kay Aquino, kailangan talaga nilang umangkat ng bigas para maibsan ang kapos nilang stock.

Ito ay kahit pa wala talagang rice shortage sa bansa, sabi ni Agriculture Secretary Emmanuel Pinol.

Pumayag na ang NFA Council na mag-angkat ng bigas sa Hunyo.

Kinontra naman ni Consolacion, Cebu Mayor Teresa Alegado ang pahayag ni Aquino.

Sa kanila raw kasi, sumadsad na sa P10 kada kilo ang presyo ng palay dahil walang bumibili.

"Sabi naman nila, wala namang NFA [na] umiikot. At saka, ang farmer, hindi naman niya kaya na pumunta doon sa regional office," ani Alegado.

Ayon pa sa alkalde, ang NFA rice shortage ay sanhi ng away ng ahensiya at NFA council.

Samantala, nagkaroon ng maraming tanong ang ilang senador nang marinig na nawawala sa merkado ang mga bigas ng NFA.

"The NFA rice is being sold as commercial. So, I think, we should look in to this angle po," ani Herculano Co Jr. ng Philcongrains. 

Tumaas din ang boses ni Sen. Francis Pangilinan nang malamang pinaalis ni Aquino ang NFA personnel na nagbabantay sa mga pier laban sa mga rice smuggler.

Tatlong shipment ng smuggled rice ang nasabat ng Bureau of Customs sa Subic, Zambales, Zamboanga, at Cebu gamit ang pekeng permit na iprenesenta rin sa Senado ng Samahang Industriya ng Agrikultura. 

Hiling ng mga senador sa NFA Council, payagan ang NFA na bilhin ang palay ng P18 kada kilo. Nanawagan din si Sen. Cynthia Villar kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-donate na lang sa NFA ang mga nakukumpiskang bigas, at ipabenta ito ng P27 kada kilo. 

--Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.