Mahigit P200k na shabu, marijuana, nasabat sa Davao

Paul Palacio, ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2018 10:44 AM

DAVAO CITY - Hindi bababa sa P200,000 na halaga ng shabu ang nakuha ng mga pulis mula sa isang notoryus na tulak sa isang buybust sa Barangay 31-D, Martes ng madaling araw.

Dinampot ng mga awtoridad si alyas "Omar" at ang kasama nitong pedicab driver nang pagbentahan niya ng iligal na droga ang isang operatiba.

Hindi itinanggi ni "Omar" na Top 2 sa drug watchlist ng Sta. Ana Police na nagtutulak siya ng droga.

"Wala na kasi bumubuhay sa kapatid ko at sa pamilya ko," ani "Omar".

Samantala, arestado naman ang 2 mag-aaral sa kolehiyo matapos makuhanan ng 4 na malalaking pakete at 5 maliliit na sachet ng pinatuyong marijuana.

Nakuha rin ang P5,000 mula sa mga suspek.

Ayon sa mga pulis, mga estudyante rin umano ang mga bumibili ng marijuana mula sa mga suspek.

Umamin ang mga suspek na galing pa sa Davao Oriental ang mga pinatuyong marijuana.

Tumangging magbigay ng pahayag sa media ang mga estudyanteng nagtutulak ng droga.

Haharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.