Ilang operator, umangal dahil 'di makautang' para sa makabagong jeep

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2018 01:31 AM | Updated as of Feb 27 2018 07:13 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Idinaing ng ilang operator ng jeep sa pagdinig ng House committee on Metro Manila development nitong Lunes ang hirap nila na makautang sa bangkong pag-aari ng gobyerno.

Kailangan kasi nilang magpaluwal ng pera para makabili ng makabagong jeep na akma sa jeepney modernization program ng pamahalaan.

"Sinagot ako ng DBP (Development Bank of the Philippines). Nag-apply ang Fejodap... one billion (pesos) ay kukuha kami ng 580 units po iyon. Ang unang tanong niya [DBP] sa akin, 'do I know how to manage a fleet?' Deretsahan po... Sino po sa mga single operator ngayon ang kayang mag-manage ng isang fleet?" sabi ni Zenaida Maranan, pangulo ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (Fejodap).

Aabot ng P1.6 milyon ang tinatayang halaga ng makabagong jeepney na pasado sa pamantayan ng pamahalaan pero ang subsidyong OK sa gobyerno ay nasa P80,000 o limang porsiyento lang ng kabuuang halaga.

Ayon kay Rep. Winston Castelo, chairman ng komite, maaari pababain ang interes ng utang at pahabain ang panahon ng pagbayad nito.

Handa naman umanong magpautang ang DBP at Landbank pero kailangan munang sumailalim ng uutang sa pagsasanay ng Department of Transportation (DOTr) sa fleet management.

"Ninety percent ang mawawalan ng hanapbuhay do'n, kaya ang sinasabi natin, tinututulan 'yung fleet management," sabi ni Efren De Luna, national president ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO).

"Fleet management is an efficient way to run your operations... The vehicles will be determined sa oras ng pangangailangan, ilan ang tatakbo sa ruta, therefore walang malulugi," ani Transportation Undersecretary Thomas Orbos. 


PALAWIGIN

Iminungkahi naman ni Castelo na palawigin ang implementation period ng programa ng hanggang pitong taon.

Sa ilalim ng programa, binibigyan ng pamahalaan ang mga tsuper at operator ng tatlong taon para palitan ang mga lumang jeep nila.

Pero sa pagdinig, lumalabas na nasa tig-1,200 lang kada taon ang kayang gawing modernong jeep ng dalawang local manufacturer habang nasa 200,000 yunit ang kailangang palitan.

Tutol din ang ibang miyembro ng komite sa Kamara na mag-import ng makabagong jeep.

"We will not allow also importation of vehicles because importation would mean na mawawalan ng trabaho ang atin [Pinoy]... 'yung mga taxes na dapat bayaran ng manufacurers ang kikita lang foreign countries," ani Castelo.

Pinag-usapan din ng komite ang panghuhuli sa mga lumalabag sa batas-trapiko.

Ayon sa Land Transportation Office at sa mga mambabatas, tanging Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Office (LTO) lang ang may kapangyarihang mangkumpiska ng lisensiya, at hind kabilang ang mga enforcer ng mga pamahalaang lokal.

Patunay umano ito na dapat magkaroon ng single ticketing system.

Sa susunod na pagdinig ukol sa jeepney modernization program ay ipatatawag ang mga kinatawan mula sa Board of Investments at car manufacturers.

-- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.