Ilang OFW na galing Kuwait, nakatanggap ng tulong mula sa OWWA

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2018 07:50 PM | Updated as of Oct 15 2018 08:52 PM

Ilan sa mga overseas Filipino workers na umuwi galing Kuwait ang nakinabang sa programang "Balik Pinas, Balik Hanapbuhay" ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Isa si alyas Gemma sa mga nagtungo sa opisina ng OWWA sa Tacloban City para mag-apply sa programa.

Kuwento niya, hindi niya natapos ang kaniyang kontrata sa kaniyang amo sa Kuwait nang tumakas siya dahil sa hindi magandang trato nito.

Kinailangan niya umanong tumalon mula sa bintana ng ikatlong palapag ng bahay na kaniyang pinagtatrabahuhan para lamang makatakas.

Nang malaman niya na may amnesty program ang gobyerno ng Kuwait, agad siyang nagdesisyon na umuwi na sa bansa.

Sa tulong ng mga ahensiya ng gobyerno, sisikapin umano ni Gemma na mamuhay ng ligtas sa bansa.

Sa kabila ng kaniyang karanasan, bukas pa rin si Gemma na magtrabaho sa ibang bansa, huwag lamang sa Kuwait.

Ayon sa Labor Communication Officer ng OWWA-Tacloban City na si Katrina Obejero, aabot na sa 13 OFW ang nakinabang sa programa.

Bawat isa sa kanila ay makatatanggap ng P5,000 na financial assistance at P25,000 livelihood assistance.

Dagdag pa ng OWWA, kahit na nakinabang na sila sa programa ay hindi naman pagbabawalan ang mga OFW na mag-apply uli para makapagtrabaho sa ibang bansa maliban sa Kuwait.

Sa ngayon ay patuloy na umiiral ang deployment ban sa mga manggagawa papuntang Kuwait. Ipinatupad ito ng gobyerno sa gitna ng pagkamatay ng mga OFW doon, kabilang na si Joanna Demafelis. 

Si Demafelis ay natagpuan sa freezer sa isang abandonadong apartment sa Kuwait nitong buwan. Higit isang taon na siyang nawawala. Ayon sa imbestigasyon, inabuso ang domestic worker. 

Naaresto na ang kaniyang mga employer na nasa likod umano ng kaniyang pagkamatay. 

Inaasahan ng OWWA na dadagsa sa kanilang opisina ang mga umuuwing OFW para sa programa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.