'Holdaper', patay sa engkwentro sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2018 04:10 AM

Patay ang isang umano'y holdaper sa isang engkwentro sa Maynila Lunes ng gabi.

Patuloy pang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek. 

Narekober sa kanya ang 2 sachet ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia.

Batay sa imbestigasyon, nag-aabang ng taxi ang biktima sa Silvia St., Ermita alas-11:30 p.m. nang may dumaang motorsiklo sakay ang 2 lalaki.

Ilang sandali lamang, bumalik ang isa sa mga sakay, nilapitan ang biktima at nagdeklara ng holdap.

Matapos makuha ang cellphone ng biktima, kinapkapan pa ito at saka kinuha ang pera.

Bago ito umalis, sinuntok pa ng holdaper ang biktima at pinaputukan.

"Binigay ko na lahat. Takot na takot ako nun," pahayag ng biktima.

Kaagad na tumakbo at nagsumbong sa barangay ang biktima.

Ayon kay Senior Insp. Randy Veran, commander ng Lawton Police Community Precinct, hinabol ng mga pulis ang suspek at nagkabarilan.

Tinamaan ang suspek at dinala pa sa ospital ngunit hindi na inabot ng buhay. - ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.