Bahay ng tricycle driver, nilooban; ipong P20,000, 2 tablet tinangay

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2018 12:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bukas na ang mga drawer at kalat-kalat ang mga gamit ng tricycle driver na si Wilson Parahinog nang madatnan niya ang kuwarto pag-uwi mula sa pasada Lunes ng gabi sa Taguig.

Ang masaklap, nawala na ang 2 tablet na nakapatong sa kaniyang aparador pati ang ipon niyang aabot sa P20,000 na nakatago sa isang pouch.

Maging ang rubber shoes niyang nasa kahon, hindi rin pinatawad ng kawatan.

"Buntis 'yung asawa ko pampaanak niya 'yun. Saka pinaghirapan ko rin...Ipon ko mga 6 months, 7 months...Iyun lang kabuhayan ko kasi, nagtatabi ako para rin sa edukasyon ng mga bata," naluluhang kuwento ng tsuper.

Nang silipin ang CCTV ng kapitbahay, nakita ang isang lalaking nakaitim na t-shirt at shorts at puting sombrero na dumating at tumambay sa kanto ng kalsada malapit sa bahay ni Parahinog bandang alas-5 ng hapon.

"Nakita ko po siya. Akala ko may hinihintay lang sa kanto...Eh hindi naman kasi puwede paghinalaan ang tao depende lang sa panlabas na anyo," ani Parahinog.

Naghintay pa ang lalaki ng ilang minuto para mawala ang mga taong dumadaan sa kalye bago niya pasukin ang gate ni Parahinog.

Wala pang 2 minuto pagkalipas, lumabas na ang lalaki hawak hawak ang sapatos ni Parahinog at nakabulsa ang ninakaw na pera at tablet.

Inireport na ni Parahinog ang nangyari sa barangay North Signal at sa pulisya, na nag-iimbestiga ngayon sa kaso.

Nag-aalala na ang ilang residente dahil sa ilan nang kaso ng nakawan sa lugar nitong mga nakaraang buwan.

--Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.