ALAMIN: Mga 'in demand' na trabaho sa bansa ngayong 2018

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2018 07:10 PM | Updated as of Feb 27 2018 10:51 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ang mga industriya ng business process outsourcing, retail, at manufacturing ang mga "in demand" sa bansa ngayong taon, ayon sa recruitment portal na Jobstreet.com.

Mas dumami rin umano ang job vacancy sa kanilang website na tinatayang nasa 89,985. 

Pinakamarami umanong trabaho ang matatagpuan sa BPO industry, sa kabila ng paglipat nito sa artificial intelligence.

Naghahanap umano ang nasabing sektor ng customer service agents, telesales at telemarketing staff, technical at help desk support, at IT-related positions para sa hardware at software.

Sa retail industry naman, inaalok umano ang mga posisyon sa general sales, marketing, human resources, at purchasing o material and warehouse management.

Samantala, in demand naman umano sa manufacturing industy ang mga trabaho sa general finance, cost accounting, sales, purchasing o material and warehouse management, customer service, at mechanical engineering.

Dagdag pa ng report, dadami umano ang trabaho sa sektor ng pagtuturo dahil sa demand galing sa BPO, at K to 12, o pagdadagdag ng dalawang taon sa basic education system ng bansa.

Maaari rin umanong magdagdag ng trabaho ang sektor ng edukasyon, kasabay ng pagtatapos ng mga estudyante ng K to 12 ngayong taon.

Mababang kumpiyansa 

Sa kabila ng pagdami ng oportunidad, nabawasan naman umano ang kumpiyansa ng mga naghahanap ng trabaho.

Ayon sa survey ng Jobstreet sa halos 600 katao, mas humirap umano ang paghahanap ng trabaho dahil sa mas matinding kompetisyon, at pagdami ng hinihinging skills.

Dagdag pa ng ilang mga jobseeker, limitado lang umano ang uri ng mga trabaho na pagpipilian kahit na marami ito.

Pero ayon sa Jobstreet, kailangan lang umanong magpakita ng positibong attitude para tumaas ang tsansang matanggap sa trabaho.

Payo naman ng DOLE-Bureau of Local Employment, dapat ay samantalahin na lang muna ng mga jobseeker ang mga oportunidad na mayroon ngayon para mas madagdagan ang skills, at magkaroon ng pagkakataong makuha ang hangad na trabaho kinalaunan.-- May ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.