9 menor de edad, kabilang ang 4 anyos, nailigtas sa cybersex den

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2018 08:29 PM | Updated as of Dec 17 2019 02:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasagip ng mga awtoridad ang 13 biktima, kabilang ang siyam na menor de edad, ng cybersex trafficking sa magkahiwalay na operasyon sa Tacloban City at Biliran kamakailan.

Ikinasa ang mga operasyon, sa pangunguna ng mga operatiba mula sa National Bureau of Investigation (NBI), matapos makatanggap ng impormasyon mula sa United Kingdom na may mga nag-aalok ng malalaswang video mula sa isang cybersex den na nanggagaling sa Tacloban.

Naaresto sa isang bahay sa Tacloban ang babaeng target ng operasyon, ang kaniyang kinakasama, at pinsan.

Kasabay nito, sinalakay din ng NBI ang isang bahay sa Biliran na cybersex den umano ng mga taga-Tacloban.

Nasa 13 biktima ang nasagip at siyam sa kanila ay mga menor de edad, kabilang ang isang apat na taong gulang.

Sa imbestigasyon, lumabas na magkakamag-anak ang mga suspek at mga biktima.

Nasa P5,000 umano ang binabayad sa mga biktima kada palabas.

Nakumpiska rin mula sa mga operasyon ang ilang laptop at computer na may webcam.

Nahaharap ang mga naaresto sa kasong paglabag sa mga batas kontra human trafficking, child abuse, at cybercrime.

Kasalukuyang dumadaan sa counseling ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga biktima.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.