89 estudyante isinugod sa ospital dahil sa chemical leak

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2018 11:03 PM

Kuha ng Radyo Bandera Olongapo City

OLONGAPO CITY - Isinugod sa ospital ang 89 estudyante matapos magpanic at magka-stampede dahil sa pangangamoy ng matapang na kemikal sa may Old Hospital Road dito nitong Lunes ng hapon.

Agad itinakbo sa James Gordon Memorial Hospital ang mga mag-aaral ng Olongapo City National High School para lapatan ng agarang lunas.

Ang mga estudyante ay mula sa grade 7 at grade 10 ng nasabing paaralan.

Ayon sa chief ng ospital na si Dr. Jesse Manuel, pagkahilo at hirap sa paghinga ang inireklamo ng mga istudyante.

"Nagdeklara kami ng incident command system, so we had established four stations in order to downgrade our treatment up to the discharge," aniya.

Sa imbestigasyon ng Olongapo City Police Office, lumilitaw na nagkaroon ng chemical leak sa isang kalapit na ice plant. Tumagas ang ammonia matapos magkaroon ng valve malfunction dito.

Idineklarang under control ang sitwasyon alas-5 ng hapon nitong Martes.

Pinauwi na ang mga estudyante maliban sa anim na nasa emergency room at naka-oxygen.

Magbibigay ng financial assistance ang lokal na pamahalaan ng Olongapo City para sa mga naapektuhan.

"Para siyang lason, mabaho, parang imburanal…pinaghalo-halo," ani Jay Anne Bonifacio, Grade 8 student.

Nilinaw rin ni Manuel na walang residenteng malapit sa lugar ng leakage ang isinugod sa ospital maliban sa mga estudyante. -- Ulat nina Gracie Rutao, ABS-CBN News; Roland Blanco

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.