(2nd UPDATE) Posibleng aabutin pa ng dalawa hanggang tatlong araw bago maibaba ang mga labi ng apat na nasawi sa pagbagsak ng eroplano malapit sa crater ng Bulkang Mayon sa Camalig, Albay.
Kahapon, Sabado ay sinabi ng Incident Command Center na na-retrieve na ang apat na bangkay, kabilang ang pilotong si Captain Rufino James Crisostomo Jr., co-pilot Captain Joel Martin, at dalawang Australyanong sina Simon Chipperfield at Karthi Santhanam.
Pero hanggang sa base camp pa lamang nadadala ang kanilang mga labi. Malayo pa ang base camp sa sentro ng bayan ng Camalig.
Paliwanag ni Camalig Mayor Carlos Baldo, Jr.: "Sinubukan namin kanina na lumipad ang chopper para kunin na lang 'yung mga nandon sa taas, kaso walang pagkakataon kaya nagplano ulit kami na by foot. Pero ang [gagawa noon ay ang] bagong augmentation kasi 'yung mga dati exhausted na rin."
Hirap aniya ang retrieval teams lalo't umuulan ngayong Linggo. Wala rin kasing trail pababa mula sa bundok.
Umaasa ang pamunuan ng Energy Development Corporation (EDC) na maibaba na sa lalong madaling panahon ang mga labi ng kanilang mga kasamahan.
“It’s been a long wait for all of us, it’s taking its toll especially to our rescuers," ayon kay Eduardo Jimenez, EDC Bacman Corporate Relations Department Head.
Pinangunahan naman ni Bishop Joel Baylon ng Diocese ng Legazpi ang banal na misa sa Barangay Anoling, Camalig, Albay na inialay para sa mga kaluluwa ng mga nasawi sa pagbagsak ng eroplano.
Ipinagdasal din niya na sana ay matapos na ang retrieval para makauwi na rin ang mga kasama sa retrieval team.
Nasa 700 responders na ang tumulong para mahanap ang eroplano at mga pasahero nito mula nang mawala noong Pebrero 18.
— Ulat ni Aireen Perol
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.