PatrolPH

Ilang Pinoy sa Turkey, hirap sa paghahanap ng permanenteng matitirhan kasunod ng lindol

Reiniel Pawid, ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2023 05:25 PM | Updated as of Feb 26 2023 07:08 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Problemado na ang ilang Filipino quake survivors sa Ankara, Turkey sa paghahanap ng kanilang permanenteng matutuluyan kasunod ng magnitude 7.8 na lindol.

Sa ngayon, nasa 100 Pinoy ang nasa isang shelter sa Ankara, na inupahan ng Philippine Embassy, pero isang buwan lang maaaring tumuloy doon ang mga kababayan.

"Hindi namim alam kung saan kami pupunta kasi hindi na kami makabalik sa bahay namin kasi sira na bahay namin, 'yong iba bumagsak na talaga," kuwento ng survivor na si Gul Emaci.

Ang isa pang survivor na si Melis Turunc, problema naman ang mga nawawalang dokumento.

Kinakailangan din kasi nilang magpakita ng transfer documents sa mga landlady o landlord bago maka-upa ng bahay.

"One week na lang 'yong remaining namin dito, iniisip namin saan kami pupunta eh wala kaming kapera-pera rito," ani Turunc.

Sa opisyal na pahayag ng Philippine Embassy sa Turkey, makikipag-ugnayan sila sa Turkish government para matugunan ang pangangailangan sa tirahan ng ating mga kababayan.

"For those who wish to remain in Türkiye, the embassy may assist in referring to housing and financial programs and other services provided by the turkish government for its displaced citizens," sabi ng embassy.

Ngayong Linggo, lilipad na pauwi ng Pilipinas ang 25 inoy survivors na sumailalim sa repatriation program ng gobyerno.

Inaasikaso na rin ng Department of Foreign Affairs ang repatriation requests ng 40 pang survivors.

Sa Syria, binisita rin ng ilang opisyal ng embahada ang mga Pinoy quake survivor sa siyudad ng Hama at Allepo.

"The team was able to ascertain the safety of Filipinos and provided financial aid to them," sabi ng Philippine Embassy in Syria sa pahayag.

Kinumpirma rin ng Office of Civil Defense na may karagdagang financial assistance ang ipadadala sa Syria.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.