PatrolPH

Dalawang wildlife species natuklasan sa Mindanao

ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2023 07:47 PM

Podogymmnura intermedia. Courtesy: DOT
Podogymmnura intermedia. Courtesy: DOT

Dalawa sa mga bagong natuklasang wildlife species sa buong mundo ngayong 2023 ay nanggaling sa Mindanao, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region XI.

Nailathala sa BBC Wildlife online noong Pebrero 1 ang dalawang bagong tuklas na species ng shrew o daga sa bundok ng Davao Oriental, Davao de Oro, at Bukidnon.

Ang bagong species ng gymnures o hairy hedgehog ay tinawag na "Podogymmnura intermedia" ay natuklasan sa peak ng Mount Hamiguitan sa Davao Oriental at Mount Kampalili sa Davao de Oro.

Ang Mount Hamiguitan ay ang nag-iisang UNESCO World Heritage Site sa Mindanao.

Ayon sa DENR Davao, ang nasabing species ay katulad ng isang shrew dahil sa golden brown na balahibo nito at matulis na nguso, pero ang hayop na ito ay tinatawag na gymnure na tinatawag ding hairy hedgehog o moon rat.

Samantala, bago ring natuklasan sa Mount Kitanglad sa Bukidnon ang species din ng gymnures na "Podogymnura minima."

Ito ay may malambot na balahibo at pinakamaliit na species ng Podogymnura.

Umaasa ang DENR na mapangalagaan ang tirahan ng mga bagong species.

-Ulat ni Hernel Tocmo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.